Bawat likha ay marka ng damdamin at danas ng isang manlilikha. Bawat dampi ng pinsel sa kambas at bawat patak ng pintura ay salaysay ng mga karanasan na binuod sa isang piyesa. 


Sa tuwing magsisimula ako ng bagong piyesa, lagi ko inuuna ang pagsusulat ng aking mga ideya sa kapirasong papel, bitbit ang mga alaala at mga karanasan na lubos na tumatak sa aking puso at isip. Pagkatapos ay ginagawan ko ng mga sketch ang mga nabuo ko na mga ideya. At mula dito ay kusa at unti-unting nabubuo ang aking mga gawa mula sa angking danas patungo sa isang likha. 

Noong sinisimulan ko ang unang piyesa para sa project na ito ay dumating ang karimlan na nagsadlak sa akin sa lungkot at takot. Sabay-sabay kaming dinalaw ng sakit sa aming bahay at tinamaan pa ng COVID-19 ang aking kapatid. Sapilitang naipamukha sa akin ang limitasyon ng oras natin dito sa mundo at ang lalim at bigat ng mga ganitong karanasan sa ating buhay. Bagaman balisa at hapo, hindi nawala ang alab para sa paglikha. 

Ang mga karanasan na nagdala ng pagal at lumbay ay kinasangkapan ko sa aking muling pagsibol. Ginupit-gupit ko ang naunang piyesa sa iba’t ibang mga parte na may panglaw sa mabigat na pinagdadaanan. Ang pinira-pirasong piyesa ay nagsilbing pundasyon para sa mga susunod na mga likha at tila naging marka sa bawat kabanta sa paghayag ng aking kwento. 

Ramdam sa bawat diin sa pastel at hagod sa papel ang pagnanais na pakawalan sa piyesa ang mga pasanin na nag-iwan ng marka ng pagkabahala sa hindi pagtigil ng oras at sa hindi maiwasang pagtigil ng buhay. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na gumigising na may sigla sa araw-araw para sa marami pang pagkakataon na mabuhay at lumikha nang malaya at magtaguyod ng positibong marka sa ating kinabukasan.  

Balisa / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Panglaw / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Pagal / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

 
 

Hapo / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Karimlan / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Alab / 6” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

 
 

Pagsibol 1 / 12” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Pagsibol 2 / 12” diameter Clock, Oil Pastel on Cold Pressed Paper 2021

Anne Lacaba is a visual artist from Pangasinan. Her works usually portray socio-political issues such as mental illness, environment, war and politics. Her use of striking colors and magical symbolism marks her own visual style. Her works have been displayed in multiple exhibitions in various galleries in the Philippines and abroad. She was a Resident of CANVAS‘ Artist-in-Residence Program (2019), and the TUKLAS Mentorship Residency Program (2020). She was also a semi-finalist in the Metrobank Art and Design Excellence (MADE) Competition for two consecutive years (2018 and 2019).